Gusto kong sumulat, magkuwento, magsalaysay, komundena, bumatikos, pumuna, magpayo, magtanong, magbahagi at humingi ng konting kaalaman at nalalaman, mahilig akong sumulat ng kwento, nang awit, nang tula,kumuha ng larawan, tumugtog ng gitara, nais kong magbigay ng kahit na maliliit na impormasyon upang makatulong at maging inspirasyon. Isa akong tagahanga, na may mababaw na kaligayahan, malimit na mapanganga at pumalakpak, maiyak kahit na sa simpleng bagay lamang, iyan ako at ito ang blog ko.
Muning
Hawak ang isang uno-por-dos na coco-lumber ay impit ang aking hiningang nag-aabang sa likod ng pinto ng aming kusina.
Maingat akong hindi makagawa nang ano mang ingay upang hindi makahalata o mabulabog ang aking hinihintay.
Si Muning.
Ang pusang tirador ng aming ulam, siya na dahilan kung bakit ako napagalitan at nagulpi ni Tiyo Karyo kanina.
Kailangan kong makaganti.
Lumipas ang mga ilang sandali ay nakita ko na ang pusang magnanakaw, dahan-dahang lumalakad papasok sa aming kusina na animo'y nakikiramdam. May bitbit siyang isang malaking daga na sakmal-sakmal niya sa leeg.
Kumuha ako nang tiyempo para sa aking pag-atake.
"Yari ka sa'kin ngayon," sa loob-loob ko lang.
Humakbang ako papalapit at bumuwelo para hatawin ang pusa.
"Hayop ka!"
Tinamaan ko siya nang isang solid sa gulugod na naging dahilan upang mabitiwan niya ang kagat-kagat na daga.
Sinundan ko pa ng isa-dalawa-tatlong palo, hanggang sa tuluyan nang mawalan nang malay si Muning.
.
Hapunan, kinagabihan...
"Ong lutong noman netong pagkoka perito mo ng manok, krisping-kripi," tuwang-tuwang namumuwalan ang lasing na si Tiyo Karyo habang kumakain.
"Bokit hindi kopa sumobay kumain?" alok nito sakin.
"Mamaya na ho ako tsong, katatapos ko lang magkape," ang nakangisi kong sagot sa walang hiya kong padrastro habang sarap na sarap siya sa piniritong dagang-bahay na dala ni Muning kanina. :/
-end
Pulutan
"Pre tagal mo naman, mauubos na itong iniinom natin!"
"Oo nga brad nangagalahati na itong kwatro, ano ba iyang niluluto mo matagal pa ba iyan?"
"Kaunti nalang maluluto na itong papaitan." Sagot ni Kardo sa mga atat na atat na kainuman.
"Ayos brad, papaitan kaya pala medyo natagalan pinapalambot pa sigurong mabuti," bulong ni Elyong sa kabarkadang si Lukas.
"Puta matagal-tagal na akong hindi nakakahigop nang sabaw ng papaitan, tiyak na rarayumahin nanaman ako nire," sagot pabulong din ni Lukas at saka sumigaw.."Brad, dagdagan mo nang kaunting apdo masarap iyong medyo mapait!"
""Wag kang mag-alala alam ni pareng Kardo iyan, matagal tumira sa Ilocos iyan bago napadpad dito, siguradong natutunan niya doon kung paano magluto nang masarap na papaitan."
"Ahh ganon ba brad, teka kukuha lang ako ng kutsara para panghigop sa mainit na sabaw."
Mga ilang minuto ang lumipas.
Inilapag na ni Kardo ang isang mangkok na may takip sa harapan nang dalawa
"P're dahan-dahan lang baka tumapon ang sabaw."
"ANO 'TO?" halos sabay tanong nang dalawa nang makita ang nasa loob ng mangkok.
Binalot nang katahimikan ang paligid.
Matagal na walang naging imikan sa harapan nang tatlo. Hanggang sa halos maubos na ang iniinom.
"Ang cho-choosy n'yo, tag-kinse lang ang patak n'yo, naghahanap pa kayo ng masarap na pulutan... MAPAIT din naman iyang ginisang ampalaya ah."
"Tangna, bumili pa naman ako ng kalamansi... buwiset."
Bulong ni Lukas sa sarili.
Mula noon ay umiwas na si Lukas sa kabarkadang si Kardo.
SI Elyong naman dahil hindi maka move-on ay tuluyan nang hindi nakapagsalita...
Subscribe to:
Comments (Atom)