Dati pag nakaka kita ako ng laruang remote control na kotse sa mga pinsan at mga kalaro ko
gustong gusto kong hiramin.
Mga laruang robot na kusang gumagalaw pag may baterya sa likuran,
baril-barilan na nag iiba-iba ang tunog,
makabagong turumpo at yoyong plastic na umiilaw at may iba’t-ibang kulay.
Mga maliliit na kotse,
mga tau-tauhang GI Joe at transformers,
mga laruan na wala kaming magkakapatid.
Ka kainggit…
Palibhasa’y salat sa karangyaan ang aking pamilya na nakakatawid gutom lamang sa maliit na perang kinikita ng aking ama mula sa kanyan pagko-konstraksyon at nang aking ina sa kanyang pagtanggap ng labada, kung kaya’t nagkakasya na lamang ako sa mga basyo ng lata ng gatas na nilagyan ng gulong na apat na takip ng kape, tatalian at hihila-hilahin habang naglalakad, o kaya’y mga sanga ng punong bayabas na lalagyan ng goma at gagawing tirador o mga lumang gulong ng bisekleta na aking pinapagulong habang tumatakbo.
Maligaya na akong makita ang mga pinapangarap kong laruan ng aking mga kalaro at kababata. Buo na ang araw kong marining ang iba’t ibang tunog ng kanilang baril-barilan, mabighani sa mga ilaw at magagandang kulay, mamangha sa malilit na robot at pag pawisan sa pakikipag habulan sa kanilang mga remote control na kotse.
Hindi kasi kami hinahayang magkakapatid ng aking ina na manghiram o mahawakan ang mga laruan ng aming mga kalaro, sapagkat kung ito raw ay masira o mawala ay wala kaming maaring maipambayad dito.
Naalala ko noong minsang nakipag laro ako sa anak ng aming kapit-bahay, espadahan, mayroon siyang bagong laruang espada na nabili nila sa es-em.
Kunwari kami'y magkalaban, gamit ko ang isang pirasong patpat laban sa bagong-bago niyang laruan.
At dahil maganda daw ang kanyang espada at ang sa akin ay patpat lamang kung kaya’t siya daw si Panday at ako ang kontrabida.
Wala akong magawa kung hindi sumang ayon sa gusto niya.
Naglabanan kami,
Nag espadahan,
bida laban sa kontrabida…
Ngunit sa di sinasadyang kilos ay napalakas ang aking pagpalo at nabali ko ang laruang espada ng aming kapit-bahay.
Bali ang bagong espa-espadahan ng aking kalaro.
Nabali ko ang espada ni Panday.
Dahil sa pangyayari ay
Umiyak siya at nagsumbong sa aking tatay na kararating lamang galing sa trabaho. . .
Nagalit si tatay kinuha yung suksukan ng laruang espada at pinaghahampas sa akin,
Hampas dito, hampas doon,
latay dito,
latay doon,
hampas kung saan ako tamaan…
Latay hanggang sa masira ang suksukan.
Pero syempre mas matibay ang binti, hita at braso ko dahil kahit puro latay na,mas una paring bumigay at nasira ang laruan.
Habang di ako masyadong makakilos at nararamdaman ko ang sakit at kirot ng mga latay sa aking katawan ay inisip ko nalang na talagang ganoon ang kapalaran ng mga kontrabida, laging talo sa bandang huli at laging nagugulpi ng mga bida.
Naawa rin ako kay tatay dahil yung kinita niya sa maghapong pagta-trabaho na pambili sana naming ng bigas at ulam sa hapunan,
eh. . . naipambayad pa niya sa naputol na espada ng aking kalaro.
Kung bakit ba naman kasi hindi umubra 'yong plastik na espada sa patpat na hawak ko...?
This comment has been removed by the author.
ReplyDeletenice one...
ReplyDeleteWow nice story... ang patpat ay wala talagang makakatalo niyan lalo na galing sa sanga ng bayabas... yan ang ginagawang arnis na panlaban sa mga sable ng mga espaniol noong noong araw kapanahunan ng lolo ko.... mga plastik na yan wala talagang binatbat yan kahit tupperware man siya ...wheeewww
ReplyDelete