Lamay

Mayroong libreng kape tinapay at tsaa
Libre din ang Zest-O, ang mani at binusa
May butong pakwan, grin-pis, butong kalabasa
Habang nakikiluksa ‘y ngumunguya-nguya

Madami ang miron sa may nag pu-pusoy dos
Sa bingo-han nama’y maraming pumupuntos
Talo sa sakla kapag puhuna’y naubos
Bisk’wit lalapangin bago magsi pag adios

                                                                                    (photo : November 02, 2010)
 Ang mga romorositas sa sugal na madyong
Daig pa’ng may ari kung makasigaw ng “pong”
“Damay-damay” pati na manga nag iirong
Nasisigaw, “huwag kalilimutan ang tong”.

Mayroong tumutugtog ng lumang gitara
Habang kumakanta at nag mamanyinita
May nag aalay ng dasal, nag nonobena
Kalul’wa ng yumao’y maging mapayapa

Sa makabagong panahon maging ang lamay
May banda o bidyoke na lubhang maingay
Huling bilin daw ng namayapa’t namatay
Lamay na masaya’t kantahang walang humpay

Huling gabi ng lamay ay kay daming tao
Mga mananaya, sa pusoy, monte at bingo
Marami din ang lumalaklak na lasenggo
At mga naglalamay nang totoo sa puso

Bakit sa lamay kailangan pang isulat,
Ngalan ng nakiramay dapat bang iulat?
Ang pagpunta’t presensiya’y dipa ba sapat
Upang ipamalas pakikiramay na tapat?

No comments:

Post a Comment