saranggola


Hinaharot ang langit at sa ulap humahalik
Sumasayaw sa tono ng hanging umiihip
Dinidigahan ang pisi kung saan nakakapit
Mga kamay ng musmos at batang paslit

Naglalayag doon sa may kaitaastaasan
Kaibigan nang araw, katunggali ang ulan
Kasabwat ay ang hanging habagat at amihan
Sa lipad ng maya’t pipit nakikipag patayugan

Ngiti ang idinudulot sa matanda’t musmos
Kaligayahang natatamasa’y labis at lubos
Nakakaligtaan ano mang uri nang unos
Kapag sa himpapawid ikaw ay dumausdos

Sa paglubog ng araw at pag sapit ng gabi
Walang hinihiling kung ‘di oras ay dumali
Upang sa kinabukasan ay ma malas na muli
Matayog na lipad ng burador na malandi 

No comments:

Post a Comment