Nag-iinit kana ba?


isa sa mga ipinasa kong larawan sa aming photography class activity: kuha ito sa kahabaan ng Shaikh Mohammad Bin Zayed Road (Emirates Road : old name) Sharjah/Ajman UAE

Gagawa sana ako ng isang sulatin
Patungkol sa ating haring araw
Maikling istorya na pwedeng basahin
o isang awit na pwedeng isayaw

May nagrereklamo kasi sa hatid nyang init
malagkit daw na pawis at bungang araw
sun burn, rashes o hadhad sa singit
at putok sa kilikiling umaalingasaw

Ngawit na ang kamay sa ka papaypay
agihap sa labi, sa nguso’y may singaw
mahapdi na ang balat at tuyo na ang laway
marami na rin nag-aamoy bakulaw

Ngayong nagdurusa sa labis na init
napapa iling nalang sa lupit daw ng araw
Panay ang sipol upang hangi’y umihip
bakit di subukang kayo’y magbalik tanaw

Pumutol ng pumutol noon ng kahoy sa gubat
Tirahan ng mga hayop ay ating ginalaw
Kinuha ang troso, sa bundok nagmina’t
ginawang negosyo, sa pera’y nasilaw

Nagtayo ng bahay, at subdibisyon
Ang mga mayayaman at mga buwakaw
Binalewala ang susunod na henerasyon
masunod lamang kanilang kapritso’t layaw

Usok ng sasakyan at mga pabrika
ay dahilan din ng matinding uhaw
Mabuti pa noon sa bukid na walang makina
ang transportasyon nati’y kabayo’t kalabaw
 
Ngayon, ay dapat nga ba nating sisihin
ang siyang nagsisilbi nating tanglaw
hindi ba’t kasalanan din naman natin
Kung ba’t sobrang umiinit sa mundong ibabaw?

inspired by DONG ABAY's 
Tawagin mo ang hangin o kaya ang ulan o gumawa ng paraan para malamigan. 
Huwag na huwag mo lang akong susumbatan dahil araw-araw kitang aarawan. - Araw



2 comments:

  1. haaayyy...tama ka jan kuya..sana marealizeng lahat...may chance pa tayo...
    aja! aja! fighting!

    ReplyDelete
  2. Sino nga ba ang dapat sisihin tayo din lang..wala ng iba

    ReplyDelete