Nakakakilabot ang mga gumuguhit na alulong at kahol nang mga aso sa bawat kalye at eskenitang aking nilalakaran.
Di’ko na matandaan kung papaano ako nakabangon at nakalayo sa lugar kung saan ako napagtulungang gulpihin.
Paika-ika akong naglakad pauwi at upang di mabuwal dahil sa hilo at sakit ng katawan ay gumagabay ako sa mga bakod, pader o mga puno na aking nahahawakan.
Nakadagdag pa sa aking iniinda ang namamait na panghe ng suot kong pantalon at pekeng Lacoste’ng baro, na kung wala lang sanang sentimental value, itinapon ko na sana at nang-umit nalang ako ng damit sa mga sampayang aking nadaanan. Palibhasa’y kaisa-isang regalong natanggap ko noong pasko kaya tiniis ko nalang ang amoy.
Oras na nang paghahanap-buhay ng mga panggabi sa palengke may mangilan-ngilan na akong nakakasalubong sa daan. Buti nalang at madilim ang kalsada sa aming baryo kaya kahit medyo hirap sa paglakad, maga ang nguso at halos sarado ang mata ay walang maka-aninag sa hilatsa ng aking kaawa-awang mukha. Salamat nalang sa mga kabataang madalas makatuwaang tiradurin ang mga ilaw ng poste sa lugar namin at salamat nadin sa aming kagalang-galang na kapitan na laging abala sa pagsalat ng pitsa ng madyong at sa kanyang kalaguyong belyas kaya hindi maatupag na ipaayos ang mga ilaw.
Habang ako’y patuloy sa aking pahinto-hintong lakad ay may naulinigan akong ingay sa di kalayuan.
Ingay na hindi maikakaila sa aking pandinig.
Ingay ng bulilyo na inaalog-alog sa plastic na lalagyan.
“Anak ng kalabaw naman oh” sa loob-loob ko lang, “maghahating-gabi na may nagbi-bingo parin?”
At ‘di nga ako nagkamali, dahil pagliko’t pag lampas ko sa isa sa pinaka malaking bahay sa aming lugar ay natanaw kong maliwanag sa may chapel, sa may kanto papasok sa eskinta sa amin.
Maliwanag, madaming tao, may nagsusugal, may nagbi-bingo…may nagigitara at nagkakantahan… sa dis oras ng gabi?
May naka burol sa bisita.
Sino kaya?
“Napaka wrong timing namang malagutan ng hininga ng taong ito”, bulong ko sa aking sarili.
Kung kailan dapat walang makakita sa akin saka pa naman madami ang tao sa kanto papasok samin.
Huminto muna ako’t kumubli sa may madilim na parte ng isang saradong tindahan, sa Shakey’s ni aleng Asyang (umuuga kasi pag nasandalan, kaya tinawag naming shakeys).
Tinantiya ko ang dami ng tao sa may chapel, tong-its, madyong, sakla at bingo, may nag-iinom, may nagkukwentuhan.
Unang gabi, madaming tao, mas marami ang mukhang masaya kaysa nagdadalamhati.
Tumuloy ako sa paglakad papalapit sa kanto…
“Sa O, paborito ng kapit-bahay . . . baligtaran sais-nuwebe”.
“Tangna bumobola na naman sa bingo si Tikang,” buntong-hininga ko ng marinig ang hindi maikakailang matinis na boses na akala mo sinaksakan ng segunda-manong trompang yari sa yero.
Binilisan ko ang paghakbang at gumilid ako ng kaunti upang makaiwas sa mata ng mga usisero’t usisera.
Abala ang lahat, naka kumpol ang karamihan ng tao sa lamesa ng sakla na mukhang malakasan ang tayaan.
Nakalampas ako sa may harapan ng walang nakapansin sa akin, nasa gilid na ako nang chapel ng matanaw ko sa loob ang aking ate.
Napahinto ako at napa-isip, “ bakit nandoon ang ate ko?”
Dala ng kyuryusidad ay humakbang ako papalapit sa may bintana ng chapel upang bahagyang mag-usisa.
Hindi pa ako nakaka limang hakbang ng mamataan ko naman ang aking ina na nasa tabi ng kabaong, umiiyak.
Lumakas ang kabog sa aking dibdib at unti-unting nanggilid ang luha sa aking mata, bigla kong naalala ang aking lolong apat na buwan ng nakaratay dahil sa sakit.
Kahit atubili na baka makalikha ng iskandalo ang aking kalagayan, kapagka nakita ng aking ina ang duguan kong hitsura ay nagdesisyon akong pumasok sa loob para masilayan ang nakahimlay kong lolo.
At habang ako’y papasok ay eksakto namang lumayo ang aking ina at naupo malapit sa kung saan nakaupo ang aking ate.
Tuluyan na akong napaiyak habang unti-unti akong lumalapit upang silipin ang bangkay sa kulay tsokolateng kahon. At nang masilayan ko ang nasa loob, nanlambot ang aking mga tuhod at para akong binuhusan ng isang timbang tubig na malamig. Tumindig ang balahibo sa aking punong tainga, napaatras ako’t napasigaw…
“Putang ina!!! bakit ako 'yung na sa loob ng kabaong?”