Damuhan

Biyernes pasado alas diyes ng gabi binabagtas ko ang magubat at madamong landas pauwi sa amin,
ginabi ako noon dahil sa mga ilang biglaang trabahong ipinagawa sa akin ng aming tagapangasiwa, mga ilang kumpunihin sa silid-aklatan ng pinapasukan kong sangay ng kagawaran ng edukasyon dito sa aming probinsya, kung saan sa edad kong labing pito ay nagsisilbi na'ko bilang isang katiwala, mensahero at taga linis.

Nagkataon naman na nasira ang aking bisekleta ng araw na iyon, na araw araw kong ginagamit na serbis pag ako'y pumapasok.

Kung kaya't napilitan akong baybayin ang mapuno at madamong lugar na mas malapit at madaling daan pabalik sa aming dampa sa bukid.

Bitbit ko sa aking kanang kamay ang ipinagbilin sa akin ng aking ate, mga aklat ng panitikan at
isang aklat tungkol sa talumbuhay ng ating pambansang bayani, na kailangan niyang basahin para sa nalalapit nilang pagsusulit sa iskuwela.

At hawak ko naman sa aking kaliwang kamay ang saranggolang papel na ginawa ko para sa aking bunsong kapatid na magdiriwang ng kanyang ika-anim na kaarawan kinabukasan.

Madilim ang madamong daan na may ilang kilometro din ang layo at pagitan ng mga kabahayan. Tanging ang liwanag lamang ng bilog na buwan ang nagsisilbing tanglaw sa aking landas na nilalakaran. At pagpasok naman sa mga kawayanan at mga puno ay mga nagkikislapang alitaptap ang aking nagiging ilaw.

Sa aking paglalakad ay di maiwasang di tumayo ang aking balahibo sa mga kaluskos na aking nadirinig, mga gumagapang na bayawak sa mga tuyong dahon at mga dagang bukid sa damuhan, kokak ng mga palaka at huni ng kuliglig, may mga ilang pagaspas ng pakpak mula sa mga puno ng kaymito at tsiko na sa aking hinuha ay mga naglipanang kabag-kabag na nanginginain ng mga hinog na bunga.

Sinasabayan ko nalang ng pito at kanta para malibang ako habang naglalakad, may mga ilang kubo akong nadadaanan na may mga aandap-andap na gaserang ilaw na iniikutan ng kung ano anong kulisap at gamu-gamo, bawat umpok ng kabahayan na aking madadaanan ay umaalingawngaw ang mga kahol at alulong ng mga aso.

Nang ako halos ay may dalawang kilometro nalang bago marating ang aming kubo ay nakaramdam ako ng paghilab at pagkulo sa aking tiyan.

Bunga marahil ng labis na pagkaing ipinakain ng aking kapatas pagkatapos ng aming pagtatrabaho, pritong galunggong at pangat na ayungin, samahan pa ng panghimagas na guyabano't atyesa, kay sarap ng payak na hapunan.

Nagpatuloy ako sa paglalakad, sinubukan kong balewalain ang pagkulo ng aking tiyan na sumasabay sa siyap ng mga kuwago at langitngit ng kawayan.

Paglamapas ko sa kawayanan at bago bumaba sa gulod ay hindi ko na nakayanan ang aking pagtitimpi kung kaya't ako'y nanggilid at dumako sa may likod ng matandang punong balite para tum@#, ngunit ng ako'y naghahanda na para isakatuparan ang aking balak ay naalala ko ang kwento ng aking lolo tungkol sa mga maligno, engkanto at mga duwendeng sa puno daw ng balite nananahan.

Subalit sadyang di ko na mapigilan ang aking nararamdaman at kung hahanap pa ako ng ibang pwesto ay baka sa pantalon na ako abutan, kung kaya't kahit ako'y atubili at may mga pag aagam-agam ay umupo na ako't tumalungko sa may damuhan sa ilalam ng punong balite.

Nang may mga ilang minuto na akong naka upo at samantalang ako ay nasa di ka aya-ayang kalagayan, ay nakarinig ako ng mga yabag na nagpakilabot at muling nagpatindig ng aking balahibo, mga yabag na malapit lamang sa aking likuran.

Hindi naman ako makatayo dahil ako'y nasa kalagitnaan ng matinding pangangailangan, pumikit na lamang ako at nagwika ng

"tabi-tabi po, nakikiraan po",

nang maalala ko na hindi nga pala ako nakikiraan,
kung kayat muli akong umusal at nagsabi ng

"tabi-tabi po nakiki-ta@# po"

kapagdaka'y nawala ang mga yabag, at naisip ko nalang na epektibo ang tinuro sa akin ng aming lolo.

Nang ako'y natapos na sa aking ginagawang ritwal lumingap ako sa paligid upang humanap ng pamunas o pamandepot ngunit sa aking kamalasan ay wala akong mahagilap ni isang dahon o kahit sanga na pupwede kong gawing pamandewang, mataas ang mga sanga at dahon ng matandang puno ng balite, di naman ako makatayo dahil tiyak na sasampiyad sa aking suot na kalsunsilyo kung ano man ang naiwan sa aking puwitan.

Kahit hirap ay dinukot ko ang bulsa ng aking pantalon at naghagilap ng papel, ngunit sadyang wala akong makapa.

Walang dahon...

Walang sanga...

Walang papel..

Nauubusan na ako ng pagpipilian,

Sa aking harapan sa may gawing kanan ay ang mga aklat ng panitikan at talambuhay ni Rizal at sa may bandang kaliwa naman ay ang saranggolang papel.

Kung pipilas ako ng isang pahina ng aklat upang gawing pamunas ay baka mapilas ko pa kung aling pahina ang kailangan ng aking ate para sa kanyang pag-aaral.

At kung sisirain ko naman at gagamiting pamunas ang saranggola para sa aking bunsong kapatid, papaano na para bukas para sa kanyang kaarawan.

Nasa ganoon akong pag-iisip at maselang pagdedesisyon ng muli ko na namang narinig ang mahiwagang yabag na may kasama pang malalim na paghinga, datapuwa't nang mga sandaling iyon ay mas lumakas ang papalapit na yabag na pabilis ng pabilis.

Nagmadali akong tumayo mula sa damuhan at nagtaas ng pantalon, dinampot ang aking mga dala-dalahan at kumaripas ako ng takbo, wala ng lingon-lingon.

Hanggang marating ko ang aming munting tahanan.



Kinaumagahan...


Ginising ako ng mga tilaok ng manok, pupungas-pungas akong pumunta sa batalan para maghilamos at manubig, nang napansin ko sa may labas ang aking tatang na hila ang aming kalabaw.

"'Tang saan kayo galing?" tanong ko sa aking ama.

"Na 'ko hinanap ko itong kalabaw natin nakawala kagabi," tugon naman niya habang hawak-hawak ang suga.

"Eh san nyo naman nakita?"

"Doon sa gulod sa may matandang puno ng balite, nanginginain doon sa may damuhan."


Muli sana akong magsasalita nang bigla akong tawagin ng nakatatanda kong kapatid mula sa aking likuran.

"Hoy, Popoy...bakit may pilas ang aklat na inuwi mo kagabi?" tanong pagtataka ng aking ate, "Pilas yung pahina kung saan nakalagay ang larawan ni Dr, Jose Rizal"

Nangiti ako at napakamot sa ulo..."di ko alam 'te, baka nasira ng mga estudyandeng nanghihiram ng libro sa may silid-aklatan."

"O nga pala ate, nasan si Ando?" balik tanong ko sa aking kapatid.




"Nadoon tuwang-tuwa at maagang gumising, pumunta sa bukid...

susubukan nya raw paliparin 'yung saranggola mong dala, para sa kanya."



(isinali ko ang akdang ito para sa "Bagsik ng Panitik" patimpalak ng Damuhan)

29 comments:

  1. salamat po sa paglahok :)

    ReplyDelete
  2. goodluck sa entry mo po! ayos! :)

    ReplyDelete
  3. God bless sa lahat lalo na sa'yo...

    ReplyDelete
  4. saba yung glossary page na lang o kaya yung blank pages sa dulo ang ginamit na pamunas. hahahahah

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamt sa pagkakataong inilaan mo para basahin ang aking kuwento...

      dapat nga sir...pagdukot nya sa bulsa kinuha nalang niya yung resibo at iyon nalang ang ginamit nya(hehehe)

      godbless

      Delete
  5. ahekz.. pwede naman siguro ipahid sa damuhan.. ahahahah

    ^_^

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa pagbisita at pagkomento...

      baka kasi katihin pag sa damo...

      Delete
  6. talagang clinick ko yung suga.

    hehehe..

    dami ko pa kailangang tuklasin sa panitikan.

    btw ,

    naaliw ako sa iyong likha.

    naisip ko parang ang sakit ipampunas nun... hahaha

    gudlak sa iyo ...

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat kaibigan at kahit papano'y nabigayan mo ng pagkakataong mabasa ang simple kong kwento...

      godbless

      Delete
  7. Kung sa tao yong entry mo, pwede kong sabihin na "charming".

    May kiliti ng kapilyuhan na makakarelate ang nakaranas din ng pagtae sa kung saan lalo na't nakatira sa baryo. Malawak ang kasilyas.

    :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Isang karangalan ang inyong pagbibigay oras na basahin ang simple kong kwento. . .

      Lubos po akong nagpapasalamat sa iyong kumento.
      Mabuhay ang blogerong Pinoy!

      Delete
  8. ang lalaim ng mga salita mong ginmit. pero alam ko yun iba, un pangat na ayungin meron din d2 samin, kabag, at yun suga.
    nkakatuwa nman at nice story.

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa panahong iniukol mo para basahin ang aking istorya...

      godbless

      Delete
  9. magandang lahok para sa bagsik ng panitik..

    gudlak sa yo sir :)

    ReplyDelete
  10. ang ganda ng entry mo kaibigan....
    goodluck sa iyo sir...

    ReplyDelete
  11. Galing mong magsulat Mel, Bravo!
    Babasahin ko to lahat, pero isa isa. hehe. Nakabasa na kasi ako ng blogs mo dati, interesting lahat.

    Wenggay to.

    ReplyDelete
  12. sir mel panalo n yan hehe . .di nkakainip basahin, hilig ko din ang magsulat pero pangsarili lng. .go0dluck sir. .ipagpatuloy m lng yan. .God Bless. . Mabuhay ang mga del Pilarian!

    ~Sablan

    ReplyDelete
  13. Ang galing!!! HAnga ako sa talino mong taglay:)

    ReplyDelete
  14. hahah alam na kung bakit may pilas!! aty alam nadin kung kaninong yabag yun! ^^

    ReplyDelete
  15. salamat boss sa pagdaan...
    sana kahit papa ano'y na aliw ka sa kwento,

    ReplyDelete
  16. Nagbasa. Humusga. May nanumbalik na alaala. Gawain ko nuo'y di maipagkakaila... yun lamang hindi pahina ang pamunas ngunit dahon ng bayabas. :P

    ReplyDelete
  17. salamat sa pag basa
    sana ay iyong nagustuhan

    ReplyDelete
  18. Ang galing Sir. Kung meron lang sanang dahon ng saging na tuyo, disin sana'y hindi na napilas ang larawan ni Rizal....

    ReplyDelete