DU30 - para sa pagbabago?


"Yessssss", bahagyang napasuntok si Lando sa hangin dahil sa balitang napakinggan sa radyo.

"Tangna, tingnan natin ang karakas ng mga hinayupak na mga buwayang parak na'to, ngayong nagdesisyon na si meyor na tumakbo bilang pangulo."

Naudlot ang kanyang bahagyang kaligayaha't pagmumunimuni nang may kumatok sa salamin ng kanyang taxi.

"Brad, lisenya mo?" tanong ng naka unipormeng pulis pagbukas niya ng bintana.

"Sir, bakit po anong violation?"

"No parking dito," sabay nguso nito sa karatula at sa haba ng pila ng sasakyan na nasa likuran.

"Sir baka pwede naman nating pag-usapan, kakahinto ko lang".

"Itabi mo muna dyan sa gilid nang makadaan iyang mga naabala mo."

Kakamot-kamot sa ulo si Landong tumalima sa utos sa kanya ng pulis.
"Nasaan ang lisensya mo?"
"Sir eto po", inabot niya ang kanyang lisensya na may nakaipit na isang ube.
"Tsk...tsk...tsk", napapalatak ang pulis na tila nakalunon ng butiki nang makita ang lisensya.
"Namamasada ka eh, magdadalawang taon na palang paso ito?"
“Busy kasi sir, kaya di maasikaso.”
“Nag-ipit kapa ng pera, para saan ito?”
“Pang kape sana sir”, naka ngising sagot ni Lando.
“Isang daan?” sarkastikong patanong ng pulis, sabay sauli ng pera sa kanya.
“Siyento-beinte na ang presyo ng isang maliit na macchiato sa Starbucks, pagpapaluwalin mo pa ako.”
“Sir, wala pang kita at saka kakahinto ko lang naman, sir sige na naman po baka pwede n’yo na akong mapagbigyan.” Habang palihim na iniaabot niyang muli ang suhol na dinagdagan niya ng singkwenta.

Hindi siya pinansin ng pulis, bagkus ay ibinigay sa kanya ang ticket, “O tubusin mo nalang itong lisensya mo sa opisina, hindi na kita pinagmulta sa no parking at sa panunuhol baka kasi ipakulam mo pa ako sa biyenan mo o ipatira sa mga kumpare mong killer, pero tinikitan kita dahil paso na itong lisensya mo namamasada kapa.”

“Ang hirap kasi sa inyo gustong-gusto ninyong tumakbo yung kandidato nyong may kamay na bakal, pero mga simpleng batas at alituntunin di nyo masunod,” sabi ng pulis kay Lando habang nakatingin sa sticker na nakadikit sa dashboard ng kayang taxi.


DU30 - para sa pagbabago!