DU30 - para sa pagbabago?


"Yessssss", bahagyang napasuntok si Lando sa hangin dahil sa balitang napakinggan sa radyo.

"Tangna, tingnan natin ang karakas ng mga hinayupak na mga buwayang parak na'to, ngayong nagdesisyon na si meyor na tumakbo bilang pangulo."

Naudlot ang kanyang bahagyang kaligayaha't pagmumunimuni nang may kumatok sa salamin ng kanyang taxi.

"Brad, lisenya mo?" tanong ng naka unipormeng pulis pagbukas niya ng bintana.

"Sir, bakit po anong violation?"

"No parking dito," sabay nguso nito sa karatula at sa haba ng pila ng sasakyan na nasa likuran.

"Sir baka pwede naman nating pag-usapan, kakahinto ko lang".

"Itabi mo muna dyan sa gilid nang makadaan iyang mga naabala mo."

Kakamot-kamot sa ulo si Landong tumalima sa utos sa kanya ng pulis.
"Nasaan ang lisensya mo?"
"Sir eto po", inabot niya ang kanyang lisensya na may nakaipit na isang ube.
"Tsk...tsk...tsk", napapalatak ang pulis na tila nakalunon ng butiki nang makita ang lisensya.
"Namamasada ka eh, magdadalawang taon na palang paso ito?"
“Busy kasi sir, kaya di maasikaso.”
“Nag-ipit kapa ng pera, para saan ito?”
“Pang kape sana sir”, naka ngising sagot ni Lando.
“Isang daan?” sarkastikong patanong ng pulis, sabay sauli ng pera sa kanya.
“Siyento-beinte na ang presyo ng isang maliit na macchiato sa Starbucks, pagpapaluwalin mo pa ako.”
“Sir, wala pang kita at saka kakahinto ko lang naman, sir sige na naman po baka pwede n’yo na akong mapagbigyan.” Habang palihim na iniaabot niyang muli ang suhol na dinagdagan niya ng singkwenta.

Hindi siya pinansin ng pulis, bagkus ay ibinigay sa kanya ang ticket, “O tubusin mo nalang itong lisensya mo sa opisina, hindi na kita pinagmulta sa no parking at sa panunuhol baka kasi ipakulam mo pa ako sa biyenan mo o ipatira sa mga kumpare mong killer, pero tinikitan kita dahil paso na itong lisensya mo namamasada kapa.”

“Ang hirap kasi sa inyo gustong-gusto ninyong tumakbo yung kandidato nyong may kamay na bakal, pero mga simpleng batas at alituntunin di nyo masunod,” sabi ng pulis kay Lando habang nakatingin sa sticker na nakadikit sa dashboard ng kayang taxi.


DU30 - para sa pagbabago!

view finder

walk on a cliff
or enter a chink
pause for a while
and sync

look all around
blend with the crowd
appreciate the beauty
then think

observe every corner
find a character
work for the scene
don't blink

'di...ay

'di
ay

'di ibig sabihin na dahil ayaw ko sa pula
ay gusto ko na sa dilaw...

'di ibig sabihin na dahil gusto ko ng hinog
ay 'di na pupuwede ang hilaw...

'di dahil malapit ako sa kanya
ay inaaway ko ikaw...

'di dahil magkasalungat tayo
ay 'di ko na irerespeto ang iyong pananaw...

nganga/itso

naalala ko lang iyong Special Ingredients ng Lola ko..


Lola Maggie's Specialty (approx. 1-3 mins preparation)


ingredients:
1/8 portion of medium size Areca Nuts (bunga)
1 medium size leaf of Betel (dahon ng ikmo/nganga)
1 pinch of Lime as desired taste (apog)
1 pinch of Mascada (dried tabako)


required utensils:

Kalukati (sharp)

Almires at pambayo (heavy duty)

optional: kung wala pong almires ay pupwede na po ang plastik at bato o martilyong pambayo.


preparation:

1. balatan ang "bunga" gamit ang matalas na kalukati at saka hatihatiin, kumuha lamang ng kapiraso sa nabalatang bunga at itabi ang iba para sa mga susunod na paggamit. .


2. ilatag ang dahon ng ikmo sa kaliwang palad, magpahid ng apog, ilagay ang kapirasong bunga at isunod ang maskada.


3. bilutin ang dahong ng ikmo gamit ang kanang kamay at saka tiklupin.


4. ilagay ang ikmo sa sa almires at saka dikdikin.


5 hanguin ang dinikdik na pinaghalo-halong sangkap at saka isubo.


Ang isang serving ay pwedeng nguyain ng 30mins to 1hr. hangga't may lasa.Hindi po nilulunok ang sapa at maging ang laway na naipon ka ngunguya dahil maaring maging sanhi ng kabag o pagtigas ng dumi.


Note: mabisa pong gamot sa mga may Kulebra ang pinagsapalan(sapa), ipahid lamang sa mga apektadong parte ng katawan.


-"nga-nga/itso"

congested


wasted time
on a sea of motorize vehicles,
stagnant asphalt
striped with yellow or white
endow me some patience
show me some light...

same dilemmas
day in or day out
inch by inch we fight
front and back left to right

paalam po..


paalam po...
isang mapayapang paglalakbay
lalagi kayo sa aming puso't isipan
habang kami'y humihinga't nabubuhay...

di 'man po kayo makabalik
at matagalan bago tayo muling magkitakita
kayamanan po naming itatabi
ang masasaya ninyong alaala

at bilang pasasalamat
sa mga kabutihang ninyong ipinakita
pinapangako ko pong pakakamahalin
ang inyong apo at aking asawa...


- isang tula para kay Aling Aida
ang nanay ng aking asawa

Lapakangahkum


Modo saan ba nabibili,
diyan ba sa kanto may nagtitingi?
bili mo nga ako kahit kalahati,
eto piso sa’yo na sukli.

Hiya mayroon bang mahihiraman,
ihanap mo nga ako kahit na hulugan,
Hiyang hiya na kasi ako sa walang
kahihiyan..
Pakapalan nalang ba ng apog ang
laging labanan?

Sana sa Lingo ay may mag regalo sa’yo
nang hiya, nang kaba at saka ng modo..
Sana sa pasko ay hiya at modo o kaya’y
etiketa ang matanggap mong aginaldo

Etiketa meron kaba?
Di yung sa damit at di yung sa lonta,
etiketang di nabibili ng kwalta sa bulsa
etiketang sa asal nababasa’t nakikita.

Apatnapu't apat

Nais ko sanang isigaw
ang poot na nadarama
sa mga may pagkukulang
sa mga may kasalanan.

Ngunit sino nga ba
ang dapat na pagtuunan,
nang sisi,
nang galit,
nang ngitngit?

Ang mga rebelde ba
o ang pamahalaan?
Ang mga nakalaban ba
o ang mga kasamahan?

Apatnapu’t apat
ang naitalang bilang,
ngunit ang nagdalamhati
ay di mabibilang,
asawa’t anak, kapatid at magulang
mga kamag-anak
kasintahan
kaibigan
at ang sambayanan.

Papaano nga ba
mabibigyang katarungan,
ang naibuwis na buhay
sa kamay ng mga kaaway?
Sapat naba ang medalya
o ang matawag na bayani?
Sapat nabang ang watawat
ay maitakip sa labi?

Apatnapu’t apat
huling bilang pinuno,
ang bilang ng nasawi
at nag-alay ng dugo!

Dahil nga ba sa kagagawan
ng kaaway na grupo
o dahill narin sa pagkukulang,
kapangahasan
nang mga namumuno?

Unang Gabi

Nakakakilabot ang mga gumuguhit na alulong at kahol nang mga aso sa bawat kalye at eskenitang aking nilalakaran.
Di’ko na matandaan kung papaano ako nakabangon at nakalayo sa lugar kung saan ako napagtulungang gulpihin.
Paika-ika akong naglakad pauwi at upang di mabuwal dahil sa hilo at sakit ng katawan ay gumagabay ako sa mga bakod, pader o mga puno na aking nahahawakan.

Nakadagdag pa sa aking iniinda ang namamait na panghe ng suot kong pantalon at pekeng Lacoste’ng baro, na kung wala lang sanang sentimental value, itinapon ko na sana at nang-umit nalang ako ng damit sa mga sampayang aking nadaanan. Palibhasa’y kaisa-isang regalong natanggap ko noong pasko kaya tiniis ko nalang ang amoy.

Oras na nang paghahanap-buhay ng mga panggabi sa palengke may mangilan-ngilan na akong nakakasalubong sa daan. Buti nalang at madilim ang kalsada sa aming baryo kaya kahit medyo hirap sa paglakad, maga ang nguso at halos sarado ang mata ay walang maka-aninag sa hilatsa ng aking kaawa-awang mukha. Salamat nalang sa mga kabataang madalas makatuwaang tiradurin ang mga ilaw ng poste sa lugar namin at salamat nadin sa aming kagalang-galang na kapitan na laging abala sa pagsalat ng pitsa ng madyong at sa kanyang kalaguyong belyas kaya hindi maatupag na ipaayos ang mga ilaw.

Habang ako’y patuloy sa aking pahinto-hintong lakad ay may naulinigan akong ingay sa di kalayuan.
Ingay na hindi maikakaila sa aking pandinig.
Ingay ng bulilyo na inaalog-alog sa plastic na lalagyan.

“Anak ng kalabaw naman oh” sa loob-loob ko lang, “maghahating-gabi na may nagbi-bingo parin?”

At ‘di nga ako nagkamali, dahil pagliko’t pag lampas ko sa isa sa pinaka malaking bahay sa aming lugar ay natanaw kong maliwanag sa may chapel, sa may kanto papasok sa eskinta sa amin.

Maliwanag, madaming tao, may nagsusugal, may nagbi-bingo…may nagigitara at nagkakantahan… sa dis oras ng gabi?
May naka burol sa bisita.
Sino kaya?

“Napaka wrong timing namang malagutan ng hininga ng taong ito”, bulong ko sa aking sarili.
Kung kailan dapat walang makakita sa akin saka pa naman madami ang tao sa kanto papasok samin.
Huminto muna ako’t kumubli sa may madilim na parte ng isang saradong tindahan, sa Shakey’s ni aleng Asyang (umuuga kasi pag nasandalan, kaya tinawag naming shakeys).
Tinantiya ko ang dami ng tao sa may chapel, tong-its, madyong, sakla at bingo, may nag-iinom, may nagkukwentuhan.
Unang gabi, madaming tao, mas marami ang mukhang masaya kaysa nagdadalamhati.

Tumuloy ako sa paglakad papalapit sa kanto…

“Sa O, paborito ng kapit-bahay . . . baligtaran sais-nuwebe”.
“Tangna bumobola na naman sa bingo si Tikang,” buntong-hininga ko ng marinig ang hindi maikakailang matinis na boses na akala mo sinaksakan ng  segunda-manong trompang yari sa yero.

Binilisan ko ang paghakbang at gumilid ako ng kaunti upang makaiwas sa mata ng mga usisero’t usisera.

Abala ang lahat, naka kumpol ang karamihan ng tao sa lamesa ng sakla na mukhang malakasan ang tayaan.
Nakalampas ako sa may harapan ng walang nakapansin sa akin, nasa gilid na ako nang chapel ng matanaw ko sa loob ang aking ate.
Napahinto ako at napa-isip, “ bakit nandoon ang ate ko?”
Dala ng kyuryusidad ay humakbang ako papalapit sa may bintana ng chapel upang bahagyang mag-usisa.
Hindi pa ako nakaka limang hakbang ng mamataan ko naman ang aking ina na nasa tabi ng kabaong, umiiyak.

Lumakas ang kabog sa aking dibdib at unti-unting nanggilid ang luha sa aking mata, bigla kong naalala ang aking lolong apat na buwan ng nakaratay dahil sa sakit.
Kahit atubili na baka makalikha ng iskandalo ang aking kalagayan, kapagka nakita ng aking ina ang duguan kong hitsura ay nagdesisyon akong pumasok sa loob para masilayan ang nakahimlay kong lolo.
At habang ako’y papasok ay eksakto namang lumayo ang aking ina at naupo malapit sa kung saan nakaupo ang aking ate.

Tuluyan na akong napaiyak habang unti-unti akong lumalapit upang silipin ang bangkay sa kulay tsokolateng kahon. At nang masilayan ko ang nasa loob, nanlambot ang aking mga tuhod at para akong binuhusan ng isang timbang tubig na malamig. Tumindig ang balahibo sa aking punong tainga, napaatras ako’t napasigaw…

“Putang ina!!! bakit ako 'yung na sa loob ng kabaong?”