Lipistik

Hindi ko na matandaan kung ilang taon ako noon, basta ang alam ko si nanay katulad ng karamihang maybahay ay lagi ring nag-iisip ng paraan upang makatulong kay tatay, para madagdagan ang kakarampot na kinikita na pilit niyang pinagkakasya upang maitawid lang ang aming pangangailangan sa pang araw-araw na buhay.

Bukod sa pananahi at pag sideline na paglalabada sa aming kapit-bahay, nagtinda s'ya nung mga pampaganda, pampabata, pampakinis ng balat, sabon, syampu, mga kulorete sa mukha.

Yun bang may ipapakita siyang booklet, mga larawan, brosyur sa kaniyang mga kumare at mga kaibigan,
ka kilala, aalukin niya at kukumbinsihing bumili ng kahit na anong produkto.
Kahit nga mukhang wala na ni katiting na pag-asang gumanda ang isang parokyana ay na bebentahan pa ni nanay.

Mayroong isang pagkakataon na maraming inuwing kalakal ang aking nanay sa aming bahay mga panindang order sa kanya,
at habang abala siya at ang aking nakababatang kapatid sa panonood sa aming maliit na telibisyon ay umandar ang aking kyuryusidad at kalikutan,

naisipan kong halungkatin ang mga plastik bag na dala ni nanay na nakapatong malapit sa aming tukador. Binulatlat, hinalungkat, tiningnan ko ang bawat produktong naka paloob sa mga supot na iyon.

Mga kulorete, bra, panty, pabango, pampahid sa kilikili at kung ano-ano pang gamit pambabae,
ngunit isa lang ang naka agaw sa aking pansin, yung ipinapahid sa labi, kulay pula na amoy at lasang mansanas.

Dahil sa bata pa nga ako noon kinuha ko ang lipistik sa isang plastik bag at sinubukan kong magpahid  sa aking labi't nguso. . .
Subalit ng aking maamoy ay kung bakit naisipan kong dilaan ang aking hawak-hawak, noong una'y patikim-tikim lang ang aking ginawa ngunit hindi naglaon ay kinagat ko na't kainin ang hinayupak dahil lasang mansanas.

Habang abala sila sa panonood ng TV, ako nama’y nagmimiryenda ng lipistik.

Nang matapos na ang panggabing dulang pantelebisyong sinusubaybayan ng aking ina ay halos naubos ko na ang ikatlong piraso na aking hawak-hawak.
At nang kanya akong makita ay napalahaw ito sa galit, at kan'ya akong pinagkukurot sa aking tagiliran,
galit na bigla nalamang siyang naiyak.

Nasa ganoon kaming sitwasyon ng dumating ang aking tatay mula sa kanyang trabaho.

Nagtanong…

Pagkatapos mag-usisa at malaman ng aking ama ang dahilan ng pag-iyak ng aking ina ay  gigil na gigil akong pinaghahampas ng dala-dala niyang maliit na tuwalya.

Hampas, hambalos, hataw. . .

Napansin ng aking ama na hindi ako masyadong nasasaktan sa ipinapalo niyang maliit na tuwalya,
Kaya tinanggal ang kanyang mumurahing sinturon at iyon ang ipinanghampas sa akin.
Katulad ng dati, walang dapa-dapa, hagupit lang ng hagupit kung saan tatamaan.

“Hindi mo ba alam na napaka mahal ng mga ito,” patuloy sa paghagulgol ang aking nanay.
Habang ang aking tatay naman ay galaiting-galaiti na panay ang pagwasiwas ng kaniyang lumang sinturon.

May magagawa ba ako…
Kung hindi ang umiyak, dahil sa sakit ng latay ng hagupit ng sinturon…
Umiyak dahil sa awa sa umiiyak kong ina,
umiyak sa  sobrang takot sa galit na galit kong ama.

Natapos ang gulpihan at iyakan sesyon,
magdamag akong hindi nakatulog,
dahil sa hapdi ng mga latay ng luma at mumurahing sinturon.

Nang sumunod na gabi pagdating ni tatay ay may bitbit itong isang supot,
nagmano kaming magkapatid sa aking ama at pagkatapos ay inabot niya sa amin ang
supot na may lamang . . .




BAYABAS,

“Wala pa akong pera, saka ko na kayo ibibili ng mansanas, pagsweldo” (wakas)

No comments:

Post a Comment