lanta

creative photography (2nd session) “shoot with emotions”


Description: utilizing a withered rose as the main subject, with the help of sprinkled water and a piece of flat glass (clear or dark coated with the size of an A4 paper) we have to shoot and produce an image with emotions, a photo that will stimulate our creativity and will connect to the viewers feeling.

We also need to include a quote in one of the three images that we have to submit.

This is my image.

Ambon

Light Painting: it is one of our photography class activity, i set my camera to the lowest ISO  w/ a very slow shutter speed and shoot several times towards a xmas lights & this is one of the image i captured .
I called the image "Ambon lang iyan" as it looks like a cloud with a light rain.





Sa pagtigil ng pagpatak ng ulan,
Huminto ka rin kaya sa pag hikbi at tumahan?
Maampat din kaya ang iyong luha sa pag-agos,
Kung titigil ang ulan sa pagbuhos?

Ang bagyo at pag-sama ng panahon.
O mga pagsubok sa buhay mo't mga hamon,
ay pinagdaraan din ng kahit na sino,
maging dukha't mayaman, mangmang man o matalino.

Huwag padadaig, huwag patatalo
sa simpleng ulan o malakas na bagyo,
Dahil malalampasan ano mang uri ng unos,
samahan lang ng pananalangin at  pananalig sa Diyos.

Sa pagtila ng ulan, at pagsikat ng araw
ay umasang may bagong ligayang matatanaw
Maging matatag sa bawat pagdaraanan
at laging iisiping ambon lang 'yan.


Plastik

Marami ang sa iyo ay nahuhulog, na aakit
Pisngi mong mapupula at labi mong marikit
Lahat sayo’y babagay kahit anong baro’t damit
Mahaba man o maikli, may burloloy at lawit-lawit

Katawan mong perpekto ang hubog at anyo
Mahaba mong binting walang pilat kahit ano
Mukhang parang anghel na wari ba ay magneto
Humihigop at humihila sa aming buong pagkatao

Balat mong mala porcelana ang kulay sa kaputian
Hindi mababanaag ano mang bakas ng kahirapan
Buhok mong alon-along, kulay gintong nakalugay
Kahit ano pa ang ilagay mo ay tiyak din na babagay

Sa mapungay mong mata, at matamis na ngiti
Ay kay daming nahuhumaling at naba-batobalani
Di mabilang na lalake ang lubos kang itinatangi
Nalimot naba nilang, “plastik ka lang Barbie?”

*di ko alam ang pangalan ng babae sa larawan
pero isa siya sa nagmodelo para sa aming practice shoot
June 29, 2012 sa Ras Al Kaimaha  UAE

high school old school


Ang larawang ito ay isa sa dalawang disenyong isinali ko sa munting pakulo ng aking mga batchmates para sa kauna-unahang reunion ng aming highschool batch...after 15 years.

Ang MHPHS o Marcelo H. Del Pilar High School ay isa sa pinakamalaking iskuwelahan pang sekondarya sa Central Luzon, natatandaan ko noong ako'y 4th year ang section ay section A and B plus section 1 to 31 madami din talaga... ipagpalagay na sa bawat section ay mag average na 50 student, ibig sabihin almost 1,700 kaming nagsipagtapos noong 1994... kaya pala pasado alas 12:00 na ng hatinggabi kami naka uwi.

Sarap sariwain ang mga bagay-bagay na pinagdaanan natin noong high school, JS Prom (pero dahil marami nga kami kaya S-prom lang ang sa amin), Intrams, Foundation week at siyempre di mawawala pag intrams at foundation week ang marraige booth, blind date booth at kung ano-ano pang booth na tiyak namang nagpakilig sa mga estudyante. Iba talaga ang high school life andiyan ang first crush, first love?, first kiss? first time....?, mga unang tikim ng mga bisyo alak, sugal (cara y cruz, digit/hula sa pera, video karera), sigarilyo at pag minalas-malas ang mga nagpapa-aral sa high school time din ang unag kupit, dagdag ng presyo sa project para may pampanood ng sine, pang date, 1st time din mamulat sa porn movies at magbasa ng xerex at mga istoryang may temang kamunduhan..dami pang iba,
oy, pero diko lahat ginawa iyan..
slight lang.

Sensya na nagkukwento lang..

* ang larawan sa itaas ay ako ang nagdisenyo, ngunit nais ko pong ipabatid sa mga mamababasa (meron ba?) na may mga elemento at mga ilang larawan na nakasama sa disenyo na hindi ko personal na pag mamayari at akin lang kinuha sa world wide web...  

Tanglaw

photo: Ras Al Kaimah Haunted Village June 29 2012

ilaw
na nagbibigay tanglaw
sa gabi't madaling araw
kandila man o de-gaas
liwanag mo'y wagas
sa ibaba man o itaas
isabit o ilagay
kaliwanagan mong taglay
ay siyang gumagabay
sa madilim na landas
na tatahakin nino man
bata't matanda
de-kuryente man o baterya
sulo o gasera
at kahit ano pa ang itawag nila
Ilaw,
tanglaw
kahalili ng araw
upang aming matanaw
ang daang nilalakaran
sa dilim ng gabi
maging malalim man o mababaw
ikaw
ang kailangan
kung pundido na ang araw.

Update


Walang update sa page ko halos matatapos na ang June pero wala parin akong post.

May mga ilang kadahilanan kung bakit hindi ako nagpo-post at ito ang mga sumusunod.
  1. Tinatamad...
  2. Dahil hindi napili ang entry ko sa Bagsik na panitik ng Damuhan.
  3. Tinatamad...
  4. Busy sa trabaho
  5. Dahil nabubuwisit ako at mas marami pang nag bi-view doon sa isa kong blog na kalokohan
  6. Tinatamad...
  7. Dahil hindi ako umabot sa isa pang pa contest: KM3
  8. Tinatamad ulit..
  9. Dahil walang nag pa-follow sa blog ko..
  10. Dahil konti lang ang nag ko-comment.
  11. At tinatamad ulit..

Ang mga kadahilanang nabanggit sa itaas ay pawang kasinungalingan at ang tanging maykatotohanan ay ang mga nabanggit sa number 1,3,6,8,11..

Pero sa totoo lang ay medyo naging abala ako ngayon sa photography, hilig ko kasi noon pa, pero ngayon lang ako talaga nag focus,

at kanina nga ay sumama ako sa isang group outdoor activity (this is my first ever)
We went to an old abandoned place almost 60km drive mula sa aming bahay...
at ang larawan sa ibaba ay isa sa mga imahe na nakuha ko...


What can you say...ok ba?
pwede na ba?

amat's

Kulang ang mga bituin kung ating bibilangin,
maging letra ng alpabeto upang isalarawa’t sukatin
ang kaligayahan itinatago at ang mga saloobin
na sapilitang ikinukubli at pilit na inililihim.


Iniuurong man nang iyong matabil na dila
ang nararamdamang sapantaha’t hinuha,
datapwat hindi maitatangi ng iyong mga mata
ang lungkot o kaligayan na iyong nadarama.


Hindi lang ngiti, hindi lang iyak o tawa,
hindi lang basta sa kilos makikita’t mababasa
ang niloloob mo’t tunay na nadarama.
Maging lungkot, maging hirap at maging saya


hindi maikukubli

hindi maitatanggi

hindi maikakaila

hindi basta madadaya


Dahil sa mata makikita.

Mainit-init pa

Sobrang init...

Naranasan mo na bang mag kape sa katanghaliang tapat sa ilalim ng tirik na tirik na araw?

Pagpawisan ng malagkit habang naliligo?

Humithit ng yosi sa gitna ng disyerto habang umiinom ng mainit na tsaa?

Mamatayan ng sasakyan at masiraan ng A/C sa kalagitnaan ng buhol-buhol na trapik habang nasa kainitan?

Sumubo ng bagong lutong kanin at humigop ng mainit na sabaw pagkatapos magbasketbol?

Maglakad ng ilang kilometro na walang sapatos o tsinelas sa mainit na aspaltong daan?

Mag pala at maghalo ng simento o mag bilad ng palay ng naka hubo't hubad?

O di kaya'y lumangoy ng backstroke sa kumukulong sopas?

Ano sa tingin mo,
subukan natin...
para maiba lang?

hapimadersday


photo: Ajman UAE May 11, 2012 3rd photo-activity


Dakila ka inay, na sa ami’y nagluwal,
nagbigay buhay at nagsilbing tanglaw.
Nagbuhos ng oras at buong pagmamahal,
nagmulat sa amin sa mundong ibabaw.

Naging unang guro sa aming pag-aara,l
aming tigapagtanggol sa mga nang aapi,
aming inspirasyon at sa ami’y nagkintal
sa mga bagay na tama’t mga bagay na mali.

Siyang nagsakripisyo sa mahabang panahon,
ginugol ang oras at buong dedikasyon
upang mga anak ay lumaking may dereksiyon
maiwas sa masama, at sa bisyo'y di magumon

Mahal naming ina, araw na ito ay sa iyo,
bilang pagpupugay sa iyong mga sakripisyo.
Maaring ‘di sapat, katumbas ng paghihirap mo
ngunit nais naming iparamdam kahit simple’t
. . . .kahit papa’no.

Isang tula para sa pinakmamahal kong NANAY

laboy

kuha ang larawan sa bintana ng eroplanong sinasakyan ko mga ilang oras bago
lumapag sa Ninoy Aquino International Airport - March 2010 
Humawak ka sa akin,
  ipikit ang iyong mata
Halika’t subukan nating
    lisanin ang problema.

Kumapit kang mabuti
  huwag kang bibitiw,
Lungkot ay iwaksi
    at tayo’y magliwaliw.

Subukan nating lumipad
  at maglaboy sa ulap,
Mahawakan sa’ting palad
    ang matagal ng pinapangarap

Bahaghari’y tutulayin
    gagawing tambayan
Mga ibo’y hahabulin
      at makikipag unahan

Takasan natin ang mundo
   kahit sandali lang
     Iwanan ang problema
       Halika samahan mo ko…

seksi


                                                                                                                (photo : Landmark Hotel Ajman UAE, May 04, 2012)

Kahapon habang ako ay nakahinto at naghihintay ng ilaw na kulay berde sa isang signal light  malapit sa open beach sa Dubai ay may tumawid sa aking harapan na isang babaeng foreigner, blondie, sexy, puwit na naka usli, mahabang makinis na binti at dibdib na punong puno. Suot niya ang isang sumbrerong kulay pink at isang manipis na kulay puting damit na may malambot na telang saksakan ng hikli. 

Dahil sa aking labis na pagkakatitig sa kanyang pagdaan ay 'di ko napigilan ang unti-unting pagtigas, pagbagsak ng aking panga at ako'y dahan-dahang napanganga at natulala habang siya'y aking pinagmamasdan.

Hinihimay ko ang bawat sandali, matamang nagmamasid at nagnanasa sa pag ihip ng hangin upang ang malambot na telang kanyang suot ay bahagyang liparin at lumilis paitaas. Kahit nasa loob ako ng kotse ay di ko mapigil ang mapa-pito upang tumawag ng hangin. Sinundan ko siya ng tingin at halos bilangin ang kanyang hakbang habang siya'y tumatawid sa direksiyon patungong dagat.

Habang ang babae'y papalayo ay unti-unti naring nabasa ang aking balikat dahil sa pagtulo ng aking laway...

Naputol lamang ang aking pagkakatingin ng biglang may malakas na bumusina sa aking likuran.
"beep beep"...
"beep beep"
"beeeeeep beeeeep"


"GO" . . . na pala.

dabarkads


Nahalukay ko itong mga picture sa hard drive ko...kuha noong pumunta kami sa Eat Bulaga sa Broadway September 2009, pagkatapos manalasa ng bagyong "Ondoy" at "Pepeng" at dahil solid dabarkads ako ay ipinost ko na dito sa blog ko bilang pagbati sa birthday ni Bossing noong April 28 at ni Wally kahapon May 3. Hapibertdey sa inyo!!!

para kay "INA"

 isang tula para sa aming lola -photo :
Landmark Hotel Ajman
April 26, 2012



Wala nang mga bagay pang maisusulat
Alin mang diksyunaryo’y di sasapat
Kung iisa-isahin at ilalahad pang lahat
Katangian nang nag-iisa naming alamat


Kapos ang mga salita para sa iyo
Lampas langit, di magkakasya sa mundo
Ang pag-ibig, mga papuri at respeto
‘Di lang ng kaibigan, maging ng ibang tao

Mga  buhay ay sadyang nag kulang
Mula nang ikaw sa amin ay lumisan
Balikat na sa tuwina’y siyang sandigan
Sa aming pighati at mga kalungkutan

Hindi man tayo muling magkita
O mayakap ka at muling makasama
Dalangin namin na ika’y mapayapa
Sa langit, sa piling ng ating manlilikha.

04/23/2000

Hindi ako masyadong romantikong tao, 'yun bang tipong sakto lang...
pero dahil kaarawan nang isa sa pinaka mahalagang nilalang sa aking mundo, ay nais kong ibahagi sa inyo ang isang lableter na ginawa ko para sa kanya, noong magdiwang siya ng kaniyang ika-labing walong taong kaarawan (debu) labing dalawang taon na ang nakakaraan, (ilang gabi kaming napuyat kakahanap ng hinayupak na lableter na'to, pag pasensiyahan n'yo na kung medyo barok ang ilang ingles, nagpapaka trying hard pa ako noong mga panahon na'yon.)


-042300

Dear Charo/ ate Helen/ tita Mel Tiangco/ Joe d' mango/ Mr. Kupido/ dear-te (madumi daw sabi ni Anabil)

Hi, actually i don't know how to greet you, co'z i know that everybody beside you will greet you a happy b-day, advance or even belated, saan ang blow out? Many of them will wish you to finish your study, 'yung iba sasabihin uy dalaga na s'ya, sana 'wag ka munang mag-aasawa mahirap ang buhay... others may say you're not a child anymore so act like a matured woman o sana maging mature kana (para magising ka at iwanan ako) all of them have the same message and wishes for you. Sana di ka magkasakit, maging maligaya ka sana, puro ganoon lang di ba?

So they have already said what i wanted to say and wish what i wanted to wish, wala na akong maisip na paraan para batiin ka, kaya i will thank you nalang for being such a good and nice person.

Salamat sa mga panahong inaksaya mo para sa akin at oras na magkasama tayo na pinaligaya mo ako (o 'wag kayong berde bata pa kami noon) at nainis, pero o.k. lang, basta I'm very thankful kasi dumating ka sa buhay ko... i can't imagine how miserable my life would be kung di kita nakasama, kasi noon parang may kulang , "there's something missing" but since the time that we become close nakuntento na ako. Alam  mo dati, ayos lang sa akin kung di kita makita , pero ngayon iba na hindi buo ang araw ko pag hindi kita nakasama o nakausap. Ewan ko ba kung bakit ( IKAW BA ALAM MO?)...

Basta ang alam ko lang i was spending so many sleepless night thinking of you and the happy time that we spent together.

O pa'no? thank you nalang ulit for MAKING MY LIFE COMPLETE,
o sige na nga babatiin na kita....

Happy New Year!

(end)

baduy ba?
jologs ba?
korni ba?

Ok lang kahit ano pang itawag n'yo o ano pang ma feel n'yo... basta ako masaya kasi after 12 long years eh, buhay pa itong sulat na 'to, at isa sa mga naging paraan para ma-uto ko siya, kaya asawa ko na siya ngayon.

Wer r u?

Tumunog ang selpon ko,
nursery ryhme na...

Twinkle twinkle little stars, how i wonder wat u r?

(boses ng anak ko ni record ko at ginawa kong rington)

Up above d world so hay..like a dayamon in d sky....

Tiningnan ko.
Number ng telepono sa opisina ang ang naka rehistrong in-coming call,
 alam ko na agad na yung boss ko ang tumatawag, kaya sinagot ko.

 - ako: hello sir,

boss: where are you, i told you not to go! (medyo iritado ang boses  ng kumag)

 - sasagutin ko: sir i'm...(di ko pa natatapos ang sagot ay bigla nanaman siyang nagsalita)

boss: there are other things that we need to finish here at the office, (medyo mataas na ang boses) where are you, i already received the confirmation from the client and we need to prepare the invoice, i told you to wait for my further instructions before you go.

 - magpapaliwanag sana ako: sir...(di parin ako pinasingit, kaya pinabayaan ko na ganyan talaga kung minsan ang amo, lalo na't ibang lahi ayaw magpatalo)

boss: also the cheque is ready for our order, you need to send it to the printing company, you are wasting your time and petrol (petrol sa kanila, gasolina naman tawag natin), you have to comeback and finish the job here at the office, then you also have to deliver the cheque (galit na...)

di na'ko sumagot, hinintay ko nalang matapos at sinalo ang mga sermon at girgir niya
(girgir: salita ng mga ibang lahi dito sa mideast pag galit)

boss continuation: where are you? comeback to the office now immediately! (wtf, pasigaw na niyang utos)

 - medyo tinaasan ko na ang boses ko at sumagot: sir!!!

(kaso parang nabuwiset sa tono ko ang kumag)
boss: don't say any excuses, you need to comeback to the office wherever you are.!!!(mas malakas niyang sabi... nabulabog ang mga alaga kong tutuli)


 - ako: sir i'm still here at the office!

boss: what? (di makapaniwala parang nabigla) where? (di yata naintindihan)

 - ako: yes sir i'm still in the office. . . . here in the toilet!

(oo nandito pa'ko sa opisina at jumejebs, pero di matapos-tapos dahil nakikinig sa sermon mo habang pauntol-untol ang paglabas ng ebak ko na na-iinis narin sa ugali mo, regaluhan kaya kita nito!)

Paglabas ko nang banyo. . .

boss: why you did not tell me that you're still here? (iritado parin ang gago ayaw parin magpatalo)

Supalpalan ko kaya ng isang dakot na jebs, para matauhan...
(photo: Dreamland Aqua Park, Umm Al Quain UAE- March 30, 2012)

Panahon ng tag-init, isa sa pinaka masarap pagka abalahan
pag tag-araw ay ang magbabad sa tubig. Mag-outing kasama ang barkada
o pamilya...Kung mapera, punta sa Boracay, kung di kaya ng budget pwede
na sa mga maliliit na resort, pero kung walang wala, ayos na sa ilog o sapa
at kung malayo naman sa ilog at sapa...magtiyaga nalang sa batya. 

Linda’ng landi

Tunay kaba, na lumilikot sa’ming isipan?
O bahagi lang talaga ng aming tuksuhan?
Kung saan ka nagmula’y di parin nalalaman
O Linda’ng landi saan kaba matatagpuan?

Naka visit visa ka ba o may working visa?
Ikaw Linda’t mga barkadang si Mareng at Martha
Maging sa panaginip minsa pa’y nasasama
Ano ka bang talaga, babaeng mahiwaga?

Para bang isang kutong nakalagi sa’ming ulo
Er-Linda, Me-Linda, Be-Linda, ikaw ba’y sino?
Kathang isip ka lamang ba o totoong tao?
Na sa aming guniguni ay nagpapagulo.

Bakit sa usapan nakasahog kang palagi?
Nababanggit, nasasabi nang aming mga labi
Biro at katuwaan parang kinikiliti
‘Pag nasali sa kwentuhan ikaw Linda’ng landi


(photo: Lady at Khor Fakkan Beach Nov. 2010 - I applied basic painting effect)

*paunawa
ang mga pangalang nabanggit sa tulang ito ay walang kinalaman sa tunay na nilalang,
sapagka’t sila “Linda” ay mga kathang isip lamang,
naging bahagi lang ng kwento at tuksahan,
kaya po sana ay walang masasaktan.

Kalakian?

 (photo: Al Ain Zoo - March 9, 2012)

Kung ito kaya ang kasama natin sa pagsasaka, ga'no kaya kalaking araro ang dapat nating gamitin para ipahila. Pwede din kaya itong lagyan ng kariton o karitela. Masarap din kaya ang gatas nito na pwedeng gawing kesong puti at pastilyas?

Lumuhod din kaya ito pag fiesta sa Pulilan, Bulacan. at manalo sa karera?

Di lang ikaw

Mukhang maasim na naman ang iyong umaga,
Nag almusal ka na naman ba ng manggang hilaw?
Nagsasawa kana ba sa isang katutak na problema?
Isipin mo nalang na marami pa ang nagdurusa,
. . .di lang ikaw.

Nakakain ka na naman ba ng daing?
Dahil sa bibig mo’y namumutawi ang hinaing at pagdaing,
Tandaan mong mas nakakarami sa atin. . .
Ang may problema’t mas mabigat na suliranin.

Subukan mong magkumpara,
Ihalintulad ang buhay mo sa iba,
Baka ma mangha ka?
At masabi mong mas mapalad ka pa pala.

Tulog mo ba’y di nakumpleto?
Lukot ang iyong mukha’t kunot ang iyong noo.
Nagsusungit kahit kanino, nakasimangot kahit anino,
Nalimot mo nabang ang ngiti at tawa ay libre sa mundo?

Kwenta ka ng kwenta ng iyong gastos at kinita,
Reklamo ng reklamo sa bayarin at sa kaunting sweldo,
Nakalimutan mo na ba na marami rin ang walang pera?
At sana naman maisip mo, na mas marami pang walang trabaho.

Maikli lang ang buhay,
Ang pera at yaman ay di nadadala sa hukay
Minsan lang tayo dadaan sa mundong ibabaw
Ang sulirani’t pagsubok ay pinagdaraan ng kahit na sino…
. . .Hindi lang ikaw.

Damuhan

Biyernes pasado alas diyes ng gabi binabagtas ko ang magubat at madamong landas pauwi sa amin,
ginabi ako noon dahil sa mga ilang biglaang trabahong ipinagawa sa akin ng aming tagapangasiwa, mga ilang kumpunihin sa silid-aklatan ng pinapasukan kong sangay ng kagawaran ng edukasyon dito sa aming probinsya, kung saan sa edad kong labing pito ay nagsisilbi na'ko bilang isang katiwala, mensahero at taga linis.

Nagkataon naman na nasira ang aking bisekleta ng araw na iyon, na araw araw kong ginagamit na serbis pag ako'y pumapasok.

Kung kaya't napilitan akong baybayin ang mapuno at madamong lugar na mas malapit at madaling daan pabalik sa aming dampa sa bukid.

Bitbit ko sa aking kanang kamay ang ipinagbilin sa akin ng aking ate, mga aklat ng panitikan at
isang aklat tungkol sa talumbuhay ng ating pambansang bayani, na kailangan niyang basahin para sa nalalapit nilang pagsusulit sa iskuwela.

At hawak ko naman sa aking kaliwang kamay ang saranggolang papel na ginawa ko para sa aking bunsong kapatid na magdiriwang ng kanyang ika-anim na kaarawan kinabukasan.

Madilim ang madamong daan na may ilang kilometro din ang layo at pagitan ng mga kabahayan. Tanging ang liwanag lamang ng bilog na buwan ang nagsisilbing tanglaw sa aking landas na nilalakaran. At pagpasok naman sa mga kawayanan at mga puno ay mga nagkikislapang alitaptap ang aking nagiging ilaw.

Sa aking paglalakad ay di maiwasang di tumayo ang aking balahibo sa mga kaluskos na aking nadirinig, mga gumagapang na bayawak sa mga tuyong dahon at mga dagang bukid sa damuhan, kokak ng mga palaka at huni ng kuliglig, may mga ilang pagaspas ng pakpak mula sa mga puno ng kaymito at tsiko na sa aking hinuha ay mga naglipanang kabag-kabag na nanginginain ng mga hinog na bunga.

Sinasabayan ko nalang ng pito at kanta para malibang ako habang naglalakad, may mga ilang kubo akong nadadaanan na may mga aandap-andap na gaserang ilaw na iniikutan ng kung ano anong kulisap at gamu-gamo, bawat umpok ng kabahayan na aking madadaanan ay umaalingawngaw ang mga kahol at alulong ng mga aso.

Nang ako halos ay may dalawang kilometro nalang bago marating ang aming kubo ay nakaramdam ako ng paghilab at pagkulo sa aking tiyan.

Bunga marahil ng labis na pagkaing ipinakain ng aking kapatas pagkatapos ng aming pagtatrabaho, pritong galunggong at pangat na ayungin, samahan pa ng panghimagas na guyabano't atyesa, kay sarap ng payak na hapunan.

Nagpatuloy ako sa paglalakad, sinubukan kong balewalain ang pagkulo ng aking tiyan na sumasabay sa siyap ng mga kuwago at langitngit ng kawayan.

Paglamapas ko sa kawayanan at bago bumaba sa gulod ay hindi ko na nakayanan ang aking pagtitimpi kung kaya't ako'y nanggilid at dumako sa may likod ng matandang punong balite para tum@#, ngunit ng ako'y naghahanda na para isakatuparan ang aking balak ay naalala ko ang kwento ng aking lolo tungkol sa mga maligno, engkanto at mga duwendeng sa puno daw ng balite nananahan.

Subalit sadyang di ko na mapigilan ang aking nararamdaman at kung hahanap pa ako ng ibang pwesto ay baka sa pantalon na ako abutan, kung kaya't kahit ako'y atubili at may mga pag aagam-agam ay umupo na ako't tumalungko sa may damuhan sa ilalam ng punong balite.

Nang may mga ilang minuto na akong naka upo at samantalang ako ay nasa di ka aya-ayang kalagayan, ay nakarinig ako ng mga yabag na nagpakilabot at muling nagpatindig ng aking balahibo, mga yabag na malapit lamang sa aking likuran.

Hindi naman ako makatayo dahil ako'y nasa kalagitnaan ng matinding pangangailangan, pumikit na lamang ako at nagwika ng

"tabi-tabi po, nakikiraan po",

nang maalala ko na hindi nga pala ako nakikiraan,
kung kayat muli akong umusal at nagsabi ng

"tabi-tabi po nakiki-ta@# po"

kapagdaka'y nawala ang mga yabag, at naisip ko nalang na epektibo ang tinuro sa akin ng aming lolo.

Nang ako'y natapos na sa aking ginagawang ritwal lumingap ako sa paligid upang humanap ng pamunas o pamandepot ngunit sa aking kamalasan ay wala akong mahagilap ni isang dahon o kahit sanga na pupwede kong gawing pamandewang, mataas ang mga sanga at dahon ng matandang puno ng balite, di naman ako makatayo dahil tiyak na sasampiyad sa aking suot na kalsunsilyo kung ano man ang naiwan sa aking puwitan.

Kahit hirap ay dinukot ko ang bulsa ng aking pantalon at naghagilap ng papel, ngunit sadyang wala akong makapa.

Walang dahon...

Walang sanga...

Walang papel..

Nauubusan na ako ng pagpipilian,

Sa aking harapan sa may gawing kanan ay ang mga aklat ng panitikan at talambuhay ni Rizal at sa may bandang kaliwa naman ay ang saranggolang papel.

Kung pipilas ako ng isang pahina ng aklat upang gawing pamunas ay baka mapilas ko pa kung aling pahina ang kailangan ng aking ate para sa kanyang pag-aaral.

At kung sisirain ko naman at gagamiting pamunas ang saranggola para sa aking bunsong kapatid, papaano na para bukas para sa kanyang kaarawan.

Nasa ganoon akong pag-iisip at maselang pagdedesisyon ng muli ko na namang narinig ang mahiwagang yabag na may kasama pang malalim na paghinga, datapuwa't nang mga sandaling iyon ay mas lumakas ang papalapit na yabag na pabilis ng pabilis.

Nagmadali akong tumayo mula sa damuhan at nagtaas ng pantalon, dinampot ang aking mga dala-dalahan at kumaripas ako ng takbo, wala ng lingon-lingon.

Hanggang marating ko ang aming munting tahanan.



Kinaumagahan...


Ginising ako ng mga tilaok ng manok, pupungas-pungas akong pumunta sa batalan para maghilamos at manubig, nang napansin ko sa may labas ang aking tatang na hila ang aming kalabaw.

"'Tang saan kayo galing?" tanong ko sa aking ama.

"Na 'ko hinanap ko itong kalabaw natin nakawala kagabi," tugon naman niya habang hawak-hawak ang suga.

"Eh san nyo naman nakita?"

"Doon sa gulod sa may matandang puno ng balite, nanginginain doon sa may damuhan."


Muli sana akong magsasalita nang bigla akong tawagin ng nakatatanda kong kapatid mula sa aking likuran.

"Hoy, Popoy...bakit may pilas ang aklat na inuwi mo kagabi?" tanong pagtataka ng aking ate, "Pilas yung pahina kung saan nakalagay ang larawan ni Dr, Jose Rizal"

Nangiti ako at napakamot sa ulo..."di ko alam 'te, baka nasira ng mga estudyandeng nanghihiram ng libro sa may silid-aklatan."

"O nga pala ate, nasan si Ando?" balik tanong ko sa aking kapatid.




"Nadoon tuwang-tuwa at maagang gumising, pumunta sa bukid...

susubukan nya raw paliparin 'yung saranggola mong dala, para sa kanya."



(isinali ko ang akdang ito para sa "Bagsik ng Panitik" patimpalak ng Damuhan)

Somewhere down the road

Bahay "daw" ng Sheikh na matatanaw kung nasa taas ka ng Jebel Hafeet (mountain) in Al Ain UAE, i have been in the mountain three times and i took this photo November 2011.

food for the boss

If you want to cook a good food for your boss
Begin with the sizzling hot jellyfish brain
Give him also the cow’s balls soup
And the testicles of a lion with a mane

Don’t forget the appetizing main course
Should be a rice bowl of crickets and worms
Serve it with the sweat and saliva of the boars
With the grilled tip of the wildebeest's horns

Dessert will be a plus factor for your promotion
A wild cactus with toad’s tears as the dressing
Give him liquor for additional remuneration
Boiled monthly period of a Komodo dragon…

And if at dinner your boss wanted to stay
Serve him the centipede and millipedes congee
Prepare the teppanyaki rhinoceros nail
And the sushi will be a rattle snakes tail

Lamay

Mayroong libreng kape tinapay at tsaa
Libre din ang Zest-O, ang mani at binusa
May butong pakwan, grin-pis, butong kalabasa
Habang nakikiluksa ‘y ngumunguya-nguya

Madami ang miron sa may nag pu-pusoy dos
Sa bingo-han nama’y maraming pumupuntos
Talo sa sakla kapag puhuna’y naubos
Bisk’wit lalapangin bago magsi pag adios

                                                                                    (photo : November 02, 2010)
 Ang mga romorositas sa sugal na madyong
Daig pa’ng may ari kung makasigaw ng “pong”
“Damay-damay” pati na manga nag iirong
Nasisigaw, “huwag kalilimutan ang tong”.

Mayroong tumutugtog ng lumang gitara
Habang kumakanta at nag mamanyinita
May nag aalay ng dasal, nag nonobena
Kalul’wa ng yumao’y maging mapayapa

Sa makabagong panahon maging ang lamay
May banda o bidyoke na lubhang maingay
Huling bilin daw ng namayapa’t namatay
Lamay na masaya’t kantahang walang humpay

Huling gabi ng lamay ay kay daming tao
Mga mananaya, sa pusoy, monte at bingo
Marami din ang lumalaklak na lasenggo
At mga naglalamay nang totoo sa puso

Bakit sa lamay kailangan pang isulat,
Ngalan ng nakiramay dapat bang iulat?
Ang pagpunta’t presensiya’y dipa ba sapat
Upang ipamalas pakikiramay na tapat?

Espadang Patpat

Dati pag nakaka kita ako ng laruang remote control na kotse sa mga pinsan at mga kalaro ko
gustong gusto kong hiramin.
Mga laruang robot na kusang gumagalaw pag may baterya sa likuran,

baril-barilan na nag iiba-iba ang tunog,

makabagong turumpo at yoyong plastic na umiilaw at may iba’t-ibang kulay.

Mga maliliit na kotse,

mga tau-tauhang GI Joe at transformers,

mga laruan na wala kaming magkakapatid.

Ka kainggit…

Palibhasa’y salat sa karangyaan ang aking pamilya na nakakatawid gutom lamang sa maliit na perang kinikita ng aking ama mula sa kanyan pagko-konstraksyon at nang aking ina sa kanyang pagtanggap ng labada, kung kaya’t nagkakasya na lamang ako sa mga basyo ng lata ng gatas na nilagyan ng gulong na apat na takip ng kape, tatalian at hihila-hilahin habang naglalakad, o kaya’y mga sanga ng punong bayabas na lalagyan ng goma at gagawing tirador o mga lumang gulong ng bisekleta na aking pinapagulong habang tumatakbo.

Maligaya na akong makita ang mga pinapangarap kong laruan ng aking mga kalaro at kababata. Buo na ang araw kong marining ang iba’t ibang tunog ng kanilang baril-barilan, mabighani sa mga ilaw at magagandang kulay, mamangha sa malilit na robot at pag pawisan sa pakikipag habulan sa kanilang mga remote control na kotse.
Hindi kasi kami hinahayang magkakapatid ng aking ina na manghiram o mahawakan ang mga laruan ng aming mga kalaro, sapagkat kung ito raw ay masira o mawala ay wala kaming maaring maipambayad dito.

Naalala ko noong minsang nakipag laro ako sa anak ng aming kapit-bahay, espadahan, mayroon siyang bagong laruang espada na nabili nila sa es-em.

Kunwari kami'y magkalaban, gamit ko ang isang pirasong patpat laban sa bagong-bago niyang laruan.

At dahil maganda daw ang kanyang espada at ang sa akin ay patpat lamang kung kaya’t siya daw si Panday at ako ang kontrabida.
Wala akong magawa kung hindi sumang ayon sa gusto niya.

Naglabanan kami,
Nag espadahan,
bida laban sa kontrabida…

Ngunit sa di sinasadyang kilos ay napalakas ang aking pagpalo at nabali ko ang laruang espada ng aming kapit-bahay.
Bali ang bagong espa-espadahan ng aking kalaro.
Nabali ko ang espada ni Panday.

Dahil sa pangyayari ay
Umiyak siya at nagsumbong sa aking tatay na kararating lamang galing sa trabaho. . .

Nagalit si tatay kinuha yung suksukan ng laruang espada at pinaghahampas sa akin,

Hampas dito, hampas doon,
latay dito,
latay doon,
hampas kung saan ako tamaan…
Latay hanggang sa masira ang suksukan.

Pero syempre mas matibay ang binti, hita at braso ko dahil kahit puro latay na,mas una paring bumigay at nasira ang laruan.

Habang di ako masyadong makakilos at nararamdaman ko ang sakit at kirot ng mga latay sa aking katawan ay inisip ko nalang na talagang ganoon ang kapalaran ng mga kontrabida, laging talo sa bandang huli at laging nagugulpi ng mga bida.

Naawa rin ako kay tatay dahil yung kinita niya sa maghapong pagta-trabaho na pambili sana naming ng bigas at ulam sa hapunan,
eh. . . naipambayad pa niya sa naputol na espada ng aking kalaro.

Kung bakit ba naman kasi hindi umubra 'yong plastik na espada sa patpat na hawak ko...?

Ewww!

Hindi mahalaga kung ano ang meron ka
Dahil para sa akin ikaw ay sapat na,
Titiisin kong lahat ng lungkot at dusa
Basta't ika'y kapiling at aking kasama...

Maaring hindi ako nararapat sa iyo
Sa ganda mong taglay ay malayo ako,
Sa aking karibal ako'y walang panalo
Tulad mo'y langit ako'y simpleng tao.

Walang kayang ipagyabang ang tulad kong aba,
Sa mayuming binibining saksakan ng ganda.
Ngunit pag iyong binuksan and dibdib ko sinta
Nakasulat doo'y. . . pinakamamahal kita.